-- Advertisements --

Niyanig ng napakalakas na magnitude 8.8 na lindol ang eastern Kamchatka Peninsula ng Russia bandang alas-11:25 ng umaga, local time ngayong Miyerkules.

May lalim ito na 20.7 kilometers at naramdaman din ang ilang serye ng malalakas na aftershocks sa lugar.

Nagresulta ang malakas na lindol sa pagkasira ng isang kindergarten sa Petropavlovsk-Kamchatsky at inaalam pa ang lawak ng pinsala o kung may casualty sa pagtama ng malakas na lindol.

Nag-isyu naman na ng malawakang tsunami warnings at advisories ang ilang mga bansa sa may Pacific coasts kabilang na ang Pilipinas, Indonesia, Japan at Russia at pinayuhan ang mga residenteng apektado na lumikas patungo sa matataas na lugar.

Kaugnay nito, nakapagtala ng tsunami na may taas na 3-4 meters (10-13 feet) sa ilang parte ng Kamchatka sa Russia. Nagdulot din ang tsunami ng mga pagbaha sa may parte ng Severo-Kurilsk na may 2,000 populasyon.

Sa Japan, tumama ang unang waves na may taas na 30 sentimetro sa siyudad ng Hokkaido sa northern Japan at ibinabala pa ng mga awtoridad doon ang mas malalaking alon.

Nag-isyu na rin ang mga awtoridad sa Amerika ng tsunami warnings sa Alaska at sa Hawaii.

Epektibo na rin ang tsunami watch sa US island territory ng Guam at iba pang mga isla ng Micronesia.

Ang magnitude 8.8 na lindol na tumama sa Russia ang isa sa pang-anim na pinakamalakas na pagyanig na naitala sa buong kasaysayan ng mundo.

Sumunod ito sa mga lindol na may lakas din na magnitude 8.8 na tumama noong 2020 sa Biobio, Chile na kumitil ng 523 katao at naminsala ng 370,000 kabahayan at ang pagyanig na tumama noong 1906 sa Esmeraldas, Ecuador na kumitil naman ng 1,500 katao na naramdaman pa sa San Francisco.