-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang insidenteng riot sa pagitan ng dalawang gang sa Caloocan City Jail kahapon ng hapon.

Sa nasabing riot anim na preso o Persons Deprived of Liberty (PDL) ang nasawi habang mahigit 30 naman ang sugatan.

Ayon kay BJMP Spokesperson JSupt. Xavier Solda, nais malaman ni Jail Director Allan Iral ang punot dulo ng nasabing riot dahilan para paimbestigahan ang nangyaring insidente.

Sa ngayon nananatili sa heightened alert status ang buong Caloocan City Jail.

Nagdeploy na rin ng dagdag na personnel ang pamunuan ng BJMP para tutukan ang sitwasyon sa nasabing pasilidad.

Nakilala naman ang mga nasawi na sina Arturo Biasa; Hans Omar, pawang mga miyembro ng commando gang; Sherwin Perez; at John Patrick Chicko, mga miyembro ng Sputnik Gang.

Hindi na pinangalanan ang mga sugatang PDL.

Batay sa ulat, naganap ang riot bandang alas-3:30 ng hapon sa Barangay Barangay 20, Caloocan City kung saan nagrambulan ang mga miyembro ng Sputnik at Commando gang (PDL).

Base sa inisyal na imbestigasyon, naglalaro ng kara y kruz ang mga preso nang magkagulo.

Agad naman pinayapa ng mga nakatalagang jail guard ng Caloocan City Jail ang kaguluhan, subali’t matapos nito ay tumambad sa kanila ang apat na indibidwal na nasawi at marami ang sugatan.

Sinabi ni Solda, agad na rumisponde ang mga tauhan ng Special Tactics and Response Team ng NCR kasama ang mga tauhan ng Northern Police District (NPD).