-- Advertisements --

Pinawalang-sala ng Sandiganbayan sina dating Vice President Jejomar Binay at ang kaniyang anak na si dating Makati Mayor Junjun Binay sa mga kasong graft, falsification of public documents, at malversation of public funds kaugnay ng kontrobersyal na P2.2 bilyong Makati City Parking Building project.

Ayon sa Third Division ng Sandiganbayan, hindi napatunayan ng prosekusyon ang kasalanan ng mga akusado “beyond reasonable doubt” kaya’t sila ay napawalang-sala.

Kasama sa desisyon ang pag-alis ng Hold Departure Order laban sa mga Binay at iba pang akusado.

Hindi rin sila pinatawan ng civil liability dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.

Si dating VP Jejomar Binay ay kinasuhan sa mga unang bahagi ng proyekto noong siya pa ang alkalde ng Makati.

Habang si Junjun Binay naman ay kinasuhan sa mga huling yugto ng proyekto, kabilang ang mga kontrata na umano’y may kakulangan sa dokumentasyon at performance security.

Ang mga kasong ito ay isinampa noong 2016, matapos ang termino ni Binay bilang pangalawang pangulo ng bansa.