-- Advertisements --

Tumanggi ang mga abogado nina dating Senator Ramon Revilla Jr at anim sa kaniyang kapwa akusado, na dating opisyal ng DPWH Bulacan 1st Distrcit Engineering Office para sa plea bargaining sa kasong graft.

Ang plea bargaining ay isang proseso sa mga kasong kriminal kung saan kadalasan ang akusado ay aamin sa kaniyang pagkakasala sa isang kaso kapalit ng mas magaan na parusa o pagbasura ng ibang kaso, na nangangailangan ng pag-sang-ayon ng biktima, akusado at prosecutor at aprubado ng Judge na dumidinig ng kaso.

Tinanong ng korte ang panig ng mga akusado kung ikinokonsidera nila ang plea bargaining subalit negatibo ang naging tugon ng depensa.

Ayon sa abogado ni Revilla na si Atty. Francesca Señga, wala silang plano sa ngayon na maghain ng karagdagang mosyon sa korte. Matatandaang, tinanggihan ng Sandiganbayan ang lahat ng naunang mosyon na inihain ng kampo ni Revilla.

Sa kabila nito, sinabi ng abogado na nakahanda silang tumalima sa rulings at kautusan ng korte at umaasahang ipagpapatuloy ng hukuman ang pagdinig sa kaso ng patas.