Kinalampag ng bagong tatag na anti-corruption group na Artikulo Onse si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglunsad ng executive order para sa pagbuo ng isang independent fact-finding body na siyang magsisiyasat sa mga umano’y iregularidad sa flood control projects ng pamahalaan.
Ito ay kasabay ng pagpalag ng grupo sa imbestigasyong pinangungunahan ng Senado, Kamara, at Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), dahil umano sa kakulangan ng pagiging bukas at pagiging patas ng mga ito.
Sa paglulunsad ng grupo kasabay ng National Heroes’ Day, binigyang-diin ni Liberal Party Acting President at dating Deputy Speaker Erin Tañada na hindi dapat iasa sa Kongreso ang imbestigasyon, lalo na’t isinasagawa ngayon ang deliberasyon para sa pambansang pondo para sa 2026.
Ayon sa dating mambabatas, ang mga anomalya sa proyekto ay sumasalamin sa mas malalim na problema sa pamahalaan at patuloy na kawalan ng tiwala ng publiko.
Saad pa ni Tañada na may pagkakataon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patunayan ang kanyang paninindigan laban sa korapsyon, lalo na sa usapin ng mga flood control projects. Aniya, kung magiging epektibo ang Pangulo sa pagsugpo sa katiwalian, maaaring mabura ang mga negatibong pagtingin sa nakaraang administrasyon ng kanyang pamilya.
Plano rin ng Artikulo Onse na ilunsad ang isang malawakang shame campaign laban sa mga opisyal at pribadong indibidwal na mapapatunayang sangkot sa katiwalian, base sa sapat na ebidensya.
Umapela din ang Artikulo Onse para sa agarang pagpasa ng isang tunay na Freedom of Information (FOI) Law upang maging bukas sa mamamayan ang mga transaksyon at kontrata ng gobyerno.
Samantala, sinabi naman ni labor leader Ka Leody de Guzman na ang bubuuing fact-finding body ay dapat binubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, at hindi mula sa Kongreso o Senado. Inirekomenda niya sina dating COA Commissioner Heidi Mendoza at dating Finance Undersecretary Cielo Magno bilang posibleng bahagi ng lupon.
Ang pangalan ng grupo ay hango sa Article XI ng 1987 Philippine Constitution kung saan nakasaad ang pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.