Nilinaw ng abogado ni yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Catalina Cabral na walang state witness deal na inalok sa kanyang kliyente, taliwas sa pahiwatig ni Batangas Representative Leandro Leviste.
Paliwanag ni Atty. Mae Divinagracia na ordinaryong testigo lamang ang inalok kay Cabral sa imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects, at hindi state witness.
Ayon sa abogado, hindi kailanman nag-apply si Cabral bilang state witness, at hindi rin kinumpirma ng abogado na nagkaroon ng ganoong kasunduan.
Ipinaliwanag ni Atty. Divinagracia na ang pagiging state witness ay nangangailangan ng pag-amin ng pagkakasangkot sa krimen, na hindi umano naaangkop kay Cabral dahil wala itong kinalaman sa anumang sabwatan.
Bagama’t sinabi ni Rep. Leviste na narinig niyang inalok si Cabral ng state witness deal kapalit ng pagdidiin kay dating Budget Secretary Amenah Pangandaman, mariin itong itinanggi ng abogado.
Binanggit niya ang affidavit ni dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo, na nagsasaad na tanging si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan lamang ang sangkot sa umano’y kickback scheme.
Ayon kay Divinagracia, sumunod lamang si Cabral sa mga utos ni Bonoan sa pagbabago ng budget at maaaring walang kaalaman sa masamang layunin sa likod ng mga ito.
Kinumpirma rin niya ang pag-iral ng parametric formula na ipinagawa kay Cabral, na umano’y in-override o nirebisa ng liderato ng Kamara upang baguhin ang pondo ng mga distrito.
















