Pinag-aaralan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang posibleng pagsampa ng legal na kaso laban sa mga nasa likod ng maling ulat sa suspensyion ng klase ngayong Miyerkules, Agosto 27.
Ayon sa ahensiya, ang ganitong uri ng pagpapakalat ng pekeng balita ay maaaring magdulot ng panganib at kawalan ng tiwala sa mga institusyon ng pamahalaan.
Nilinaw ng DILG na walang anumang anunsyo na inilabas ang Kalihim ng ahensiya hinggil sa kanselasyon ng klase at trabaho ngayong araw.
Sinabi ng DILG na ang impormasyon ay ibinahagi ng isang social media page na may pangalang “Philippines Weather Advisory.”
Kaugnay nito, hinihikayat ng ahensiya ang publiko na maging mapanuri at sumangguni lamang sa opisyal na abiso mula sa pamahalaan para sa tamang impormasyon.
Matatandaang ipinagkaloob sa DILG ang kapangyarihang magdeklara ng kanselasyon ng klase at trabaho sa gobyerno noong Hulyo, kasabay ng pananalasa ng habagat.