-- Advertisements --

Hindi naiwasan ni acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na magpahayag ng pagdududa sa agenda ng appointment ni Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).

Sa isang panayam habang bumibisita sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, sinabi ng nakababatang Duterte na hindi niya personal na kilala si Nartatez ngunit naniniwala siyang ang sinumang itatalaga sa posisyong iyon ay may utos na puntiryahin ang kanilang pamilya at mga tagasuporta.

Wala pa namang tugon dito ang bagong PNP OIC.

Si Lt. Gen. Nartatez ay itinalaga bilang ika-32 PNP chief noong Agosto 26, 2025, kapalit ni Gen. Nicolas Torre III na tinanggal sa puwesto matapos umanong balewalain ang utos ng National Police Commission (Napolcom) hinggil sa reassignments ng mga opisyal.

Si Nartatez ay isang graduate ng Philippine Military Academy Class of 1992 at dating NCRPO chief, Calabarzon regional commander, at Deputy Chief for Administration.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palitan si Torre ay bahagi ng pagsisikap na palakasin ang papel ng Napolcom sa pamamahala ng PNP.