-- Advertisements --

Nagpaalala si House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman at Manila Rep. Joel Chua na dapat maging maingat at base sa katotohanan ang mga talakayan hinggil sa isyu ng flood control.

Ayon kay Chua, na isang abogado, hindi dapat nauuwi sa “trial by headline” ang mga pagdinig, kundi dapat itong magpokus sa mga dokumento at sinumpaang salaysay.

Ipinagtanggol ni Chua si dating Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez, sa pagsasabing dapat pairalin ang due process dahil ito ang nagpo-protekta sa mga inosente.

Una ng binigyang-diin ni Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ni Romualdez, na gumuho ang mga akusasyon sa Senado dahil sa kawalan ng dokumento.

Partikular na tinukoy ang testimonya ng kontraktor na si Pacifico “Curlee” Discaya, na mariing itinanggi sa ilalim ng sumpa na nakatuntong siya sa South Forbes Park.

Ito ay direktang kabaligtaran sa kuwento ng dalawang witness na gumamit ng mga alyas na “Joy” at “Marie.”

Maging si Senador Ping Lacson, na pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee, ay nagkumpirma sa pagdinig noong Lunes na hindi sapat ang mga impormasyon para isangkot ang dating Speaker. Ayon kay Lacson, ang mga pahayag ng mga testigo ay maituturing lamang na “leads” ngunit hindi sapat na basehan ng pagkakasala, lalo na’t wala ring deed of sale o records na nag-uugnay kay Romualdez sa transaksyon ng nasabing ari-arian.

Sa halip na magturuan at maghanap ng “scapegoat,” nanawagan si Chua na ituon ang atensyon sa pagpapalakas ng mga safeguards at sistema sa pagpapatupad ng mga flood-control projects.

Giit ng Kongresista, kung may ebidensya ay dapat ilabas sa tamang legal na proseso, ngunit kung wala ay dapat itigil na ang pagbabanggit ng mga pangalan ng mga indibidwal sa publiko upang maiwasan ang espekulasyon.