Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang pagkalungkot sa pagkakadawit ni dating Senador Bong Revilla Jr. sa isyu ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, sinabi ng Pangulo na bagama’t kaibigan at dating kaalyado niya si Revilla, hindi ito nangangahulugan na dapat balewalain ang proseso ng batas.
Giit ni Castro, iginiit ng Pangulo na mananaig pa rin ang due process at kailangang pagdaanan ang wastong imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan.
Aniya, walang sinuman ang dapat ilibre sa pananagutan kung mapatutunayang may pagkukulang, anuman ang personal na ugnayan sa Pangulo.
Dagdag pa niya, bahagi umano si Revilla ng tiket ng partidong Alyansa para sa Bagong Pilipinas na sinuportahan ng administrasyon, ngunit hindi ito magiging hadlang upang isulong ang tamang proseso at pananagutan.
Binigyang-diin ng Malacañang na patuloy na igagalang ng Pangulo ang mga institusyong may mandato na magsiyasat sa isyu at pananatilihin ang prinsipyo ng patas at makatarungang pamamahala.










