-- Advertisements --

Inatasan ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng Leyte, katuwang ang Tingog Party-list, ang maagang paghahanda at prepositioning ng mga relief goods para sa kanyang distrito, lalawigan, at iba pang bahagi ng Silangang Visayas bilang paghahanda sa paglapit ng Super Typhoon Uwan, na tumatapat sa ika-12 anibersaryo ng Super Typhoon Yolanda ngayong Sabado.

Ayon kay Romualdez, ang mga relief goods ay nakaimbak at nakahanda sa Tingog Community Center sa Tacloban City, kung saan abala ang mga boluntaryo at staff sa pagre-repack ng food packs at pangunahing pangangailangan para agad maipamahagi sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng bagyo.

Ibinahagi naman ni Tingog Rep. Jude Acidre na kabilang sa mga nakahandang ayuda ang 400 sako ng 25-kilong bigas, 80 kahon bawat isa ng kape, noodles, at de-lata, 50 kahon ng Energen cereal drink, at 50 kahon ng iba’t ibang biskwit, na nakalaan para sa mabilis na distribusyon sa mga maaapektuhang pamilya pagdating ni Uwan.

Binigyang-diin ni Romualdez na ang hakbang na ito ay patunay ng pagsisikap ng Tingog sa maagap na paghahanda sa kalamidad at mabilis na pagtugon sa mga mamamayan.

Nanawagan din si Romualdez at ang Tingog Party-list sa publiko na manatiling alerto at sundin ang mga opisyal na abiso habang patuloy na lumalakas at papalapit si Uwan sa rehiyon ng Visayas.

“Manatili tayong mapagbantay at magkaisa upang maiwasan ang anumang casualty. Makipagtulungan tayo sa ating mga lokal na pamahalaan at laging unahin ang kaligtasan,” pahayag ni Rep. Romualdez.

Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA, ilang bahagi ng Silangang Visayas ang isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signals dahil sa papalapit na bagyo.

Signal No. 2 ang nakataas sa Northern Samar at hilagang bahagi ng Eastern Samar, habang Signal No. 1 naman sa nalalabing bahagi ng Samar at Eastern Samar, gayundin sa Biliran, Leyte, at Southern Leyte, kung saan inaasahan ang katamtaman hanggang malakas na hangin at mga pag-ulan sa paglapit ni Uwan.