-- Advertisements --

Pinuri ng House Young Guns si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsuporta sa livestreaming ng bicameral conference committee deliberations para sa panukalang ₱6.793-trilyong national budget sa 2026 isang hakbang na layong maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan. 

Una na itong inendorso ni dating Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez.

Ayon kina Deputy Speakers Paolo Ortega V ng La Union at Jay Khonghun, at Appropriations Committee Vice Chairperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, ito ay makasaysayang reporma na nagpapalakas ng transparency at accountability.

Binigyang-diin ni Ortega na ang direktiba ng Pangulo ay isang “game-changer” sa pagpapanumbalik ng tiwala ng mamamayan.

Ayon naman kay dating Speaker Romualdez, ang livestreaming ay tugma sa adbokasiya ng Kamara para sa bukas na pamahalaan.

Bahagi ito ng patuloy na hakbang ng Mababang Kapulungan para isulong ang transparency at partisipasyon ng mamamayan kabilang ang pagtanggal sa “small committee” at pag-anyaya sa Civil Society Organizations (CSOs) bilang mga budget watchdog.

Pinalitan na rin ang “small committee” ng livestreamed hearings ng Budget Authorization and Review Sub-Committee (BARSc) para maiwasan ang kontrobersyal na budget insertions.

Binigyang-diin ni Deputy Speaker Khonghun na ang livestreaming ng bicam ay isang pangako sa taumbayan na bawat piso ay maipapaliwanag.

Itinatakda nito ang bagong pamantayan ng tiwala at integridad sa pamahalaan.

Para naman kay Adiong, Chair ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, ang hakbang na ito ay nagpapatibay sa pananagutan sa paggastos ng gobyerno.