Minamadali na ng kaukulang mga ahensya ng pamahalaan katuwang ang academe at international partners ang pagtatatag ng National Forensics Institute.
Ito ang inihayag ni Executive Sec. Lucas Bersamin sa handover ceremony ng bagong forensic equipment na donasyon ng Japan sa Pilipinas.
Ayon kay Bersamin, pumirma na ang Department of Justice, University of the Philippines Manila at United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) sa Declaration of Cooperation to Strengthen Procedures to Investigate Custodial Deaths of Persons Deprived of Liberty (PDL).
Sa ilalim nito, ang mga labi ng namatay na PDLs mula sa mga pasilidad ng Bureau of Corrections sa Metro Manila ay ililipat sa UPM para sa independent autopsy at forensic examination.
Binigyang diin ni Bersamin na ito ay moral commitment sa pagtataguyod ng agarang pag-uulat at independent investigation ng pagkamatay sa bilangguan.
Kumpiyansa naman si Japanese Ambassador to the Philippines Kazuya Endo na ang unang donasyong ito mula sa Japan para sa itatatag na NFI ay makatutulong sa pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas na mapalakas ang forensic capabilities ng law enforcement agencies at judicial authorities.