Tumangging mag komento ang Palasyo ng Malakanyang hinggil sa pahayag ni dating Appropriations panel chairman Zaldy Co na si dating Senate President Chiz Escudero ang nag utos na tapyasan ang pondo ng ilang mahahalagang ahensiya ng pamahalaan sa 2025 national budget.
Sa sulat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., iginiit ni Co na hindi ang Kamara kundi ang Senado ang responsable sa umano’y budget cuts.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, mas mainam na ang Senado o ang mismong opisyal na binanggit ni Co ang sumagot sa alegasyon upang malinawan ang usapin.
Binigyang-diin ni Castro na sa ngayon hindi pa matukoy ang katotohanan sa pahayag ni Co, lalo’t nasa ibang bansa pa ito at hindi humaharap sa publiko.
Sinabi rin ni Castro na wala pang kumpirmasyon kung natanggap na ng Pangulo ang sulat ni Co dahil hindi pa ito napag-uusapan sa loob ng Malacañang.
Wala namang ibinunyag ang opisyal kung maglulunsad ng imbestigasyon ang administrasyon kaugnay ng isyu.
















