Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang “lifetime validity” ng PWD Identification Card (ID) para sa mga taong may permanenteng kapansanan upang alisin ang pabigat na proseso ng periodic renewal.
Inihain ni Yamsuan ang House Bill 6306, na kaakibat ng pagbuo ng unified PWD ID system ng DSWD at National Council on Disability Affairs (NCDA).
Ayon kay Yamsuan, hindi makatwiran na iparenew pa ang ID ng mga PWD na panghabambuhay ang kondisyon, lalo na sa mga mahihirap na hirap bumiyahe at magproseso ng papeles.
Sa sandaling maging ganap na batas ang panukala, libre at habambuhay na magiging valid ang PWD ID, maliban na lamang kung kailangan itong palitan dahil sa pagkawala o pagkasira.
Naniniwala si yamsuan na makatutulong ang reporma sa pagpigil sa pamemeke ng PWD IDs, pagpapagaan ng trabaho ng LGUs, at mas maayos na pagrehistro ng tunay na benepisyaryo.
Batay sa datos ng DOH at NCDA, nasa 2.8 milyon ang rehistradong PWDs mas mababa sa 16% global estimate ng WHO.
Binabago ng HB 6306 ang Magna Carta for PWDs upang kilalanin ang ID na “habambuhay na balido” para sa mga may permanenteng kapansanan, basta’t sertipikado ng municipal o city health office at beripikado ng LSWDO.
Dagdag pa ni Yamsuan, ang panukalang ito ay hakbang tungo sa mas inklusibo, accessible, at makataong sistema para sa sektor ng PWD.










