Inanunsyo ng Department of Energy (DOE) kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Energy Regulatory Commission (ERC) na kanilang pinapabilis ang pag-finalize ng polisiya na magbibigay ng waiver ng kuryente para sa mga kwalipikadong low-income households na kumokonsumo ng 50 kilowatt-hours (kWh) o mas mababa kada buwan.
Ayon sa bagong guidelines, inaasahan na bago mag-Pasko ay magkakaroon ng 100% “Lifeline Rate” discount ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) nang hindi na kinakailangan pang mag-apply sa mga opisina ng utility.
Dahil sa kasalukuyan, kinakailangan pa ng mga 4Ps beneficiaries na magtungo sa kanilang electric cooperatives upang mag-apply para sa Lifeline Rate, na nagiging sanhi ng mababang bilang ng mga aplikante dahil sa problema sa pamasahe.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, layunin ng gobyerno na alisin ang mga hadlang at gawing mas madali ang proseso para sa mga low-income na konsyumer.
Sa ilalim pa ng bagong polisiya, magkakaroon din ng data-sharing agreement ang DOE, DSWD, at mga electric cooperatives upang awtomatikong ma-verify ang mga benepisyaryo ng 4Ps at makuha nila ang Lifeline Rate discount kung ang kanilang konsumo ay hindi tataas sa 50 kWh kada- buwan.
Inaasahan ng DOE na maisasabatas ang mga bagong polisiya bago mag-Pasko, at ang mga benepisyaryo ay makikinabang mula sa zero-billing system na hindi na kailangan pang mag-submit ng mga dokumento.
Gayunpaman, nilinaw ni Garin na ang mga benepisyaryo na hindi nakarehistro sa kanilang sariling pangalan sa electric meter ay maaari paring dumaan sa verification process.










