-- Advertisements --

Ipauubaya ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang anak na si House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos, ang pagpapaliwanag sa lumabas na report kaugnay ng mga natanggap umanong pondo noon ng kanyang distrito mula sa DPWH.

Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, na nabasa mismo ng pangulo ang report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), kung saan kabilang sa mga pangunahing benepisyaryo umano ng allocable funds ng DPWH mula 2023 hanggang 2025 ang distrito ng kongresista.

Binigyang diin ni Castro ang pahayag ng nakababatang Marcos, na handang harapin ang mga isyu laban sa kanya, gayundin ang pagharap sa pagpapatawag ng Independent Commission for Infrastructure kung maiimbitahan.

Sa inilabas na anunsyo ng ICI, nakatakdang humarap sa kanilang pagdinig ngayong linggo ang kongresistang Marcos.

Ayon naman kay Castro, bukas ang Palasyo na ipasailalim sa lifestyle check ang anak ng pangulo, maging ang First Family, dahil sa alegasyon ng korapsyon.