Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang Office of the Vice President (OVP) sa pagbibigay ng halos P3.4 milyon sa mga benepisyaryo ng livelihood program nito kahit walang pagsusuri sa feasibility at economic viability ng kanilang mga proyekto.
Ayon sa audit, sa programang “Mag Negosyo Ta ‘Day”, nakatanggap ng tulong 128 indibidwal at 10 organisasyon noong 2024, nagkakahalaga ng P1.92 milyon at P1.5 milyon, ayon sa pagkakasunod. Bagama’t kwalipikado ang mga benepisyaryo, hindi umano nasuri ng Department of Trade and Industry (DTI) at Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang kanilang mga project proposals.
Dagdag pa sa ulat, wala ring written agreement sa pagitan ng OVP at mga ahensya para sa pag-review ng proposals. Sinabi ng focal person ng programa na mahirap raw ipasa sa ibang ahensya ang pagsusuri dahil sa kakulangan ng kasunduan.
Noong Oktubre 29, 2024, naglabas ang OVP ng revised manual of operations ng programa at nagsagawa ng reorientation sa mga Satellite Office leads noong Pebrero 6, 2025. Gumawa rin ang OVP ng project assessment tool upang masuri ang mga project proposals ng aplikante.(report by Bombo Jai)















