Ipinunto ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ipinapakita ng mga resulta ng katatapos na 2025 midterm elections ang pagtutol ng mga botante sa mga party-list na may kaugnayan sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ayon kay NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr., lumalabas sa pre-canvass figures na saklaw ang mahigit 95% ng mga presinto na bumulusok o bumagsak sa 26% ang boto para sa mga CPP-NPA-NDF-affiliated party-lists kumpara sa resulta noong nakalipas na halalan noong 2022.
Malinaw aniya na tinututulan ng mga Pilipino ang panlilinlang ng nasabing mga indibidwal at party-list organizations kaugnay sa kanilang koneksiyon sa mga komunistang rebeldeng grupo. Sa loob aniya ng ilang taon, tumanggi ang mga itong kondenahin ang bayolenteng armadong insurhensiya ng nasabing grupo at ngayon ay tumugon na ang mga botante sa pamamagitan ng pagliit ng kanilang tiyansang maupo sa Kongreso.
Inihayag din ng NTF-ELCAC official na hindi na nakakagulat pa na ginagamit ng mga party-list na ito ang umano’y pagred-tag sa kanila bilang sangkalan sa kanilang pagkadismaya sa resulta ng halalan.
Aniya, ang pagsisi sa kanilang pagkatalo sa pambabatikos sa kanila ay pangmamaliit sa kapasidad ng mga botanteng Pilipino para timbangin ang katotohanan. Saad pa ng opisyal na gumawa ang mamamayan ng isang matalinong pagpili at pinarusahan ang panlilinlang, hindi sa pamamagitan ng aktibismo.
Pinasalamatan naman ng anti-insurgency task force ang mga botante sa katatapos na halalan sa muling pagpapatunay na maisusulat ang kinabukasan gamit ang mga balota at hindi sa pamamagitan ng mga bala o dahas.