-- Advertisements --

Diniskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) First Division si Cabuyao, Laguna Mayor Dennis Hain dahil sa umano’y vote-buying noong 2025 midterm elections.

Nag-ugat ito sa reklamo ng dating vice mayor na si Leif Opiña kung saan namigay umano ang alkalde ng P1,000 cash at sample ballot sa mga residente sa loob ng kanilang negosyo habang ginaganap ang Poll Watchers Seminar.

Ipinakita rin ni Opiña ang mga larawan at video ng mga taong pumipila upang tumanggap ng pera, at mga testigong nagsabing personal na dumalo at nangampanya si Hain.

Sa 19-pahinang resolusyon naman na inilabas noong Oktubre 23, sinabi ng Comelec na napatunayan ang unang elemento ng vote-buying sa ilalim ng Omnibus Election Code, dahil malinaw na nagbigay ng pera si Hain upang impluwensiyahan ang boto. Napuna rin ng Comelec na hindi itinanggi ni Hain ang mga paratang, kaya’t itinuturing ito bilang tahimik na pag-amin.

Samantala, itinanggi naman ng kampo ng alkalde ang akusasyon. Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Paeng Palis, walang kinalaman o pahintulot si Mayor Hain sa sinasabing pamimigay ng pera.

Naghain na rin sila ng motion for reconsideration sa Comelec en banc at umaasang mapapawalang-sala ang alkalde.

Sa ngayon, nagpapatuloy si Mayor Hain sa paggampam ng kanyang tungkulin habang hinihintay ang pinal na desisyon ng Comelec.