-- Advertisements --

Iniulat ng election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na ang mga hindi tugmang resibo ng mga boto noong 2025 midterm elections ay bunsod ng mga hindi sinasadyang markings gaya ng tinta ng ginamit na marker at thumb marks.

Sa pinal na report ng PPCRV para sa nakalipas na halalan, ipinaliwanag ni PPCRV spokesperson Ana Singson na may unintended marks dahil sa pentel pen na ginamit o dahil sa mismong thumbmark ng botante, na sumakto sa bilog na nabilang bilang boto.

Kayat ipinunto ni Singson na malaki ang papel ng marker sa hindi akmang resulta ng voter receipts kung saan lumabas ang pangalan ng kandidatong hindi naman nila binoto.

Ayon sa election watchdog, ang mga napaulat na tinta ng marker pens ay hindi agad natutuyo na nagresulta sa paper jams, rejected ballots, deposito ng basang tinta sa scanners at rollers, pagkakaroon ng hindi sinasadyang markings at mantsa sa balota saka pinapasok sa automated counting machines (ACMs) na posibleng na-account bilang boto.

Nakasaad din sa report na iniuugnay nila ang mga napaulat na insidente ng overvote sa extra markings at extra unintended votes.

Kaugnay nito, inirekomenda ng PPCRV ang paggamit ng stamping pen sa halip na marker pen.

Dapat din niya na magkaroon ng review sa quality control at testing procedures na ginamit sa election materials.

Inirekomenda din ng PPCRV ang pagbabalik ng 25% shading threshold mula sa kasalukuyang 15%.

Inihayag naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na sang-ayon ang poll body sa findings at mga rekomendasyon ng PPCRV.