-- Advertisements --

Lusot na sa US House of Representatives ang isang resolusyong nagsasapormal sa mga alituntunin ng gagawing impeachment inquiry kontra kay President Donald Trump.

Nakalusot ang resolusyon sa US House sa botong 232-196.

Nakadetalye sa naturang measure kung papaano magsasagawa ng public hearings sa Kongreso, na posible raw makapinsala sa muling pagtakbo ni Trump sa pagkapangulo sa susunod na taon.

Ang nasabing botohan ang unang opisyal na pagsusuri sa suporta para sa impeachment sa US House na kontrolado ng mga Democrats.

Maliban dito, nakatakda rin dito ang mga karapatang makukuha ng mga tatayong legal counsel ni Trump.

Matatandaang inaakusahan si Trump na pine-pressure ang Ukraine sa pag-iimbestiga sa umano’y kurapsyon ng karibal nito sa pulitika na si dating Vice President Joe Biden at ng kanyang anak na nagsilbing director ng Ukrainian energy company Burisma.

Mariin naman itong itinanggi ni Trump kung saan tinawag pa nito na “witch hunt” ang impeachment inquiry.

“It’s a sad day. No one comes to Congress to impeach a president,” wika ni House Speaker Nancy Pelosi bago ang botohan.

Itinakda ang bagong “public phase” ng impeachment process at maaari nang mapanood ang mga pagdinig sa telebisyon.

“This resolution sets the stage for the next phase of our investigation, one in which the American people have the opportunity to hear from the witnesses first-hand,” ani House intelligence chairman Adam Schiff.

Sa oras na bumoto ang House sa pagpasa ng articles of impeachment, gagawin ang impeachment trial sa Senado.

Ito ang ikatlong pagkakataon sa kasaysayan ng US na bumoto ang kapulungan pabor sa pagsasapormal ng impeachment laban sa nakaupong pangulo. (CNN/ BBC/ Reuters)