Nakatakdang imbestigahan na ng House of Representatives ang umano’y iregularidad ng Prime Water.
Ito’y matapos inihain ngayon araw ni Zambales Rep. Jay Khonghun ang House Resolution 22 na humihimok na imbestigahan ng Kamara ang mga reklamo kaugnay sa mga iregularidad sa Joint Venture Agreements (JVAs) na pinasok ng mga local water districts at PrimeWater Infrastructure Corporation.
Ayon kay Khonghun na ang tubig ay buhay at hindi lamang negosyo, kaya marapat lang na maisulong ang mas maigting na regulasyon sa mga pinapasok na joint venture ng mga local water districts para maprotektahan ang publiko mula sa hindi maayos na serbisyo.
Nilinaw naman ni Khonghun na ang pag-imbestiga sa Prime Water ay walang halong politika dahil ito ay local issue na matagal na rin naman idinadaing ng kanilang mga kababayan.
Umaasa ang mga mambabatas na sa gagawing investigation in aid of legislation ay matukoy kung ano ang nangyari kung bakit hindi nasunod ng Prime ang parte nila sa kasunduan na makapagbigay ng maayos na serbisyo ng tubig at ano ang mga batas na maaaring ipasa o amyendahan upang hindi na maulit ang ganitong sitwasyon.
Wala rin silang nakikitang problema kahit pa mayroon nang isinagawang imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration o LWUA at kasalukuyan nang pinag-aaralan ng Office of the President.