-- Advertisements --

Itinanggi ng Department of Justice na mayroon ng susunod na ipapaaresto ang International Criminal Court kasunod ng pagkakadakip kay dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte.

Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, wala pa raw iniuulat sa kanila ang naturang korte kung sino ang maaring ipaaaresto ng International Tribunal.

Ito’y buhat ng siya’y matanong patungkol sa kung sinong personalidad ang posibleng ipaaresto at dalhin sa The Hague, Netherlands kaugnay sa kasong kinakaharap ng dating Pangulo.

Ngunit pagtitiyak naman ng naturang kalihim na si Justice Secretary Remulla, na kanilang ipagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan sa International Criminal Court.

Kung saan hindi raw hihinto ang kordinasyon ng Department of Justice at naturang korte sa mga posible pa nitong hilingin sa kanilang kagawaran.

Kaya’t kanyang iginiit na kung mayroon mang kailangan gawin, ay kanila itong isasakatuparan sa kanilang pakikipagtulungan sa International Crminal Court.

‘As far as the ICC is concerned, wala pa. Wala silang sinasabi, wala silang pasabi. But we just roll with the punches here, kung anong kinakailangan gawin, gagawin natin,’ ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.

Gayunpaman, paglilinaw ni Justice Secretary Remulla na ang kordinasyon sa pagitan ng kagawaran at International Criminal Court ay bunga lamang ng kanilang pakikipagtulungan.

Aniya’y walang pormal na dokumento o opsiyal na papeles upang kanilang sundin o ipatupad sa pakikipag-ugnayan nila sa naturang International Tribunal.

Kaya’t kanya pang inihayag na hindi ito nangangahulugan na babalik na ang bansa sa pagiging miyembro nito ng Rome Statute sa International Criminal Court.

Paliwanag ng kasalukuyang kalihim na ang desisyon hinggil rito ay hindi na raw saklaw ng Department of Justice kung sasaling muli ang Pilipinas.

Sa kasalukuyan, tanging si former President Rodrigo Road Duterte pa lamang ang nakapiit sa detention facility ng ICC sa The Hague, Netherlands.

Kung saan dito niya kinakaharap ang mga alegasyon o kasong may kinalaman sa kanyang naging pamamalakad partikular sa War on Drugs ng kanyang administrasyon.