-- Advertisements --
Duterte with PNP chief

Iginiit ng Malacañang na wala silang kinalaman sa naging desisyon ni Gen. Oscar Albayalde ang pagbibitiw bilang chief Philippine National Police (PNP), halos tatlong linggo bago ang kanyang nakatakdang pagreretiro.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, maaaring dahil na rin sa mga akusasyong kinakaharap nito kaya tuluyang nag-resign si Albayalde.

Ayon kay Sec. Panelo, hindi tinawagan o pinilit ng Malacañang si Albayalde para iwan na ang puwesto at isalin kay Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Gamboa ang pagiging PNP chief.

Una na rin naman aniyang inihayag ni Albayalde na nahihirapan na ang kanyang pamilya sa sitwasyon kaya isa na rin ito marahil sa naging rason ng pagbibitiw nito.

Una rito, duda si Bayan Muna Party-list Rep. Ferdinand Gaite na “damage control” ang pagbibitiw ni PNP Chief Albayalde matapos maiugnay sa isyu sa mga “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa pag-recycle ng iligal na droga.

Iginiit ng kongresista na noong nakaraang linggo lang ay nagmamatigas pa si Albayalde sa posibilidad na pagre-resign nito sa puwesto.

Posible ayon kay Gaite na kinausap si Albayalde ng Malacañang nitong weekend kaya nagbago ang isip nito.

Samantala, nanindigan ang kongresista na dapat magpatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na Good Conduct Time Allowance Law at ninja cops kahit wala na sa puwesto si Albayalde.

Naniniwala si Gaite na posibleng may iba pang hepe ng pambansang pulisya na nauna kay Albayalde na sangkot sa katiwalian na lumulutang sa PNP. (with report from Bombo Dave Vincent Pasit)