Pinaghahandaan ng Office of Civil Defense (OCD) ang worst-case scenario na maaaring idulot ng bagyong ”Bising” at habagat.
Iginiit ni OCD Deputy Administrator for Operations, Assistant Secretary Cesar Idio na walang puwang ang pagiging kampante ng pamahalaan sa panahon ng kalamidad, kahit pa hindi gaanong kalakasan ang bagyo.
Nananatili aniyang nakabantay ang mga local office ng OCD, lalo na sa Northern Luzon na pangunahing tinutumbok ng bagyo at ilang araw na ring nakakaranas ng mga serye ng pag-ulan.
Patuloy din aniyang nakahanda ang mga kagamitan ng ahensiya para sa agarang deployment, oras na kailanganin.
Unang itinaas ang blue alert status sa Operations Center ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bago naging ganap na bagyong Bising ang LPA sa silangan ng Pilipinas.
Ayon kay Idio, magpapatuloy ang ginagawa nitong regular na paglalabas ng abiso para sa mga residenteng inaasahang maapektuhan ng bagyo at habagat, habang naka-standby din ang mga kagamitan para sa posibleng paglikas.