Itinaas ng state weather bureau ang heavy rainfall warning sa maraming probinsya sa bansa dahil sa pag-iral ng bagyong ”Bising” at habagat.
Ngayong araw, inaasahang makakaranas ng mula 100 hanggang 200mm ng ulan ang probinsya ng Ilocos Note habang ang mga probinsya ng Batanes, Cagayan, Apayao, Abra, at Kalinga ay maaaring makakaranas ng 50 hanggang 100 mm ng ulan.
Sa araw ng Sabado, July 5, posibleng makaranas muli ang mga probinsya ng Batanes, Cagayan, Apayao, at Ilocos Norte ng hanggang 100 mm ng ulan.
Kaparehong sitwasyon din ang posibleng iiral sa araw ng Lingo, Hulyo 6 kung saan ang probinsya ng Batanes at Babuyan Group of Islands ay maaaring makaranas ng pag-ulan na aabot hanggang 200mm.
Bagaman nananatiling mahina ang bagyong Bising, inaasahang magpapatuloy na magpapaulan ang habagat sa mga susunod na araw sa maraming probinsya tulad ng Pangasinan, Zambales, Bataan, Metro Manila, Ilocos Sur, La Union, Benguet, Ifugao, Mountain Province, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro.
Paalala ng weather bureau sa mga local disaster risk reduction and management council, bantayan ang sitwasyon sa mga katubigan at agad maglabas ng akmang abiso para sa mga residente.