Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na namonitor nito ang isang Chinese research vessel na namataan malapit sa karagatan ng Cagayan sa hilagang Luzon, na nagbunsod ng agarang aksiyon upang igiit ang soberanya ng Pilipinas.
Gamit ang Dark Vessel Detection program ng Canada, natukoy ang Chinese Research Vessel Tan Suo Er Hao sa humigit-kumulang 19 nautical miles mula sa baybayin ng Cagayan. Dahil dito, iniutos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang pagpapadala ng PCG Islander aircraft para sa maritime domain awareness flight.
Ayon kay PCG spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela, layunin ng operasyon na alamin kung ang barko ay nagsasagawa ng marine scientific research nang walang pahintulot, na posibleng paglabag sa Philippine Maritime Zones Act at UNCLOS, at upang igiit ang karapatan ng bansa sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ).
Namataan ang barko na patungong silangan, 55.78 nautical miles silangan ng Santa Ana, Cagayan. Ilang beses umanong nagbigay ng radio challenge ang PCG subalit walang naging tugon ang Chinese vessel.
Samantala, itinanggi ng Chinese Embassy ang paratang ng PCG at iginiit na pinapayagan ng UNCLOS ang malayang paglalayag sa Luzon Strait.
Sa kabila nito, iginiit ng PCG na mananatili itong alerto at patuloy na babantayan ang anumang hindi awtorisadong aktibidad sa karagatang sakop ng Pilipinas.















