-- Advertisements --

Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang maximum police presence sa buong bansa, partikular na sa Metro Manila, bilang paghahanda sa selebrasyon ng Chinese New Year bukas.

Tututukan ng kapulisan ang Binondo, Manila at iba pang high-traffic areas na inaasahang dadagsain ng publiko.

Ayon kay Nartatez, nagpakalat na ng mga tauhan para sa crowd management at anti-criminality patrols.

Mahigpit ding nakikipag-ugnayan ang Manila Police District (MPD) sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa ipatutupad na road closures at rerouting schemes, lalo na sa paligid ng Binondo-Intramuros Bridge at Jones Bridge.

Nagtalaga na rin ng mga police assistance desks sa mga major temples at commercial centers para sa agarang responde.

Samantala, inalerto na rin ang mga intelligence units upang bantayan ang anumang banta ng seguridad at mga grupong posibleng magsamantala sa malaking pagtitipon.