-- Advertisements --

KALIBO, Aklan— Nakikiisa ang bayan ng Kalibo, Aklan sa selebrasyon ng Chinese New Year ngayong araw sa pamamagitan ng mga inihanda na programa at aktibidad ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Jay-Ar Arante, head ng media affairs ng LGU Kalibo, ilan sa mga event na inilatag ng LGU para sa mga kapatid nating Chinese ay ang Exhibit, Calligraphy Booth at ibinida rin ang iba’t ibang Chinese cuisines sa food exhibit.

Ang lahat ng ito ay makikita sa Calle Rizal sa Barangay Poblacion, Kalibo na kilala bilang Chinese street dahil halos ang mga nakatira dito ay may dugo at lahing Chinese.

Taunang nakikipag-ugnayan ang LGU sa Filipino-Chinese Community upang ipahayag ang pagkilala sa okasyon at pagbigay galang sa kanilang kultura at tradition.

Samantala, ibinahagi ni Lorenz Lao, isang Filipino-Chinese businessman ang ilang nakaugaliang tradisyon ng mga Tsino sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Aniya, kahit hindi kumpleto ang buong pamilya dito sa bayan ng Kalibo ay nakikipag-ugnayan pa rin ang mga ito sa isa’t isa at sabay na sinalubong ang panibagong Taon.