-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Mahigit 414,000 mag-aaral sa Western Visayas ang pansamantalang lumipat sa Alternative Delivery Mode (ADM) matapos suspendihin ng mga lokal na pamahalaan ang face-to-face classes dahil sa pinalakas na habagat ng Bagyong Inday.

Sa panayam ng Bombo Radyo Kalibo kay Hernani Escullar Jr., tagapagsalita ng Department of Education (DepEd) Region 6, umabot sa 414,072 na mag-aaral mula sa 1,289 na paaralan sa 50 munisipalidad ang naapektuhan ng suspensyon ng klase, araw ng Biyernes, Hulyo 9.

Pinakamarami ang naapektuhan sa Antique kung saan 144,909 mag-aaral mula sa 538 na paaralan sa 18 munisipalidad ang lumipat sa ADM. Sa Aklan naman, 88,933 na mag-aaral mula sa 298 paaralan sa 17 munisipalidad ang apektado.

Sa Iloilo City, nakatala ng 73,127 na mag-aaral mula sa 65 paaralan ang apektado. Samantala, sa Capiz, umabot sa 61,677 na mag-aaral mula sa 216 paaralan sa 8 munisipalidad ang walang pasok.

Sinundan ito ng Iloilo na may 29,173 na mag-aaral mula sa 139 na paaralan sa limang bayan at Guimaras na may 16,253 na estudyante mula sa 33 na paaralan sa dalawang bayan.

Tanging ang mga division ng Passi City at Roxas City ang hindi nagsuspinde ng klase.

Sa ilalim ng Alternative Delivery Mode, nagpapatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante sa pamamagitan ng modular, online, at iba pang learning activities na pinangangasiwaan ng kanilang mga guro habang suspendido ang regular na klase.

Samantala, itinaas ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) 6 ang Blue Alert sa buong Western Visayas upang mapalakas ang kahandaan ng mga ahensya sa pagtugon sa posibleng epekto ng masamang panahon.