-- Advertisements --

Nagsimula na ang transport strike ng grupong MANIBELA sa Quezon City ngayong umaga ng Lunes, September 28, kaugnay sa kanilang tatlong araw na tigil-pasada.

Nagsagawa rin ang grupo ng caravan papunta sa PHILCOA, kasama na ang TNVS drivers, motorcycle taxi riders, maging ang UV Express drivers.

Ilan sa mga panawagan ng grupo ang mas mababang presyo ng gasolina, pagtaas sa pamasahe, pagtanggal sa excise tax at value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo.

Nagdesisyon din ang ilang mga motorcycle taxi at TNVS drivers na hindi muna mamasada ngayong araw upang makiisa sa transport strike.

Ayon naman kay Manibela chairperson Mar Valbuena, aabot sa 20,000 hanggang 25,000 na jeepney drivers sa iba’t-ibang ruta sa Metro Manila ang inaasahang lalahok sa ikinasang tigil-pasada.

Binatikos din ng grupo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa pahayag nitong maaaring pagmultahin ang mga tsuper na sasali sa transport strike.

Samantala ilang lokal na pamahalaan (LGU) sa Metro Manila ang nag-alok ng mga libreng sakay upang matulungan ang mga commuter na naapektuhan ng tigil-pasada ngayong Lunes.

Nauna nang inanunsyo ng transport group na PISTON na magsasagawa ito ng dalawang araw na tigil-pasada mula Setyembre 29 hanggang 30 bilang protesta rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.