-- Advertisements --

Nasa kritikal na kalagayan ngayon ang 78-anyos na jeepney driver na kilala bilang si “Tatay Elmer” matapos siyang atakihin habang nakikiisa sa isinagawang kilos-protesta ng grupong PISTON sa Caloocan noong Martes, Setyembre 29.

Kaugnay ito ng patuloy na panawagan ng mga driver laban sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa isang Facebook post, sinabi ng PISTON na wala pa ring malay si Tatay Elmer matapos siyang isugod sa ospital.

Ayon sa grupo, sa kabila ng kanyang edad at mahinang pangangatawan, pinili pa rin ni Tatay Elmer na makiisa sa panawagan ng mga tsuper at commuter.

Limang dekada na umanong namamasada bilang jeepney driver si Tatay Elmer. Ayon naman sa kalihim ng PISTON, nananatili siyang aktibo sa mga pagkilos ng mga tsuper kahit pa siya ay may edad na.

Nanawagan din ang grupo sa publiko para sa anumang tulong na maaaring maibigay sa driver.

“Kailangan pa natin si Tatay Elmer sa mahabang pakikibaka. Pagtulungan natin na bumuti ang kanyang kalagayan,” ayon sa PISTON.

Samantala, ipinagpatuloy ngayong Miyerkules ang nationwide strike ng PISTON, na nagsimula noong Lunes at nakatakdang magtapos ngayong araw.