-- Advertisements --

Nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian sa mga magulang at lokal na pamahalaan na aktibong makibahagi sa pagpigil sa lumalalang karahasan sa mga paaralan sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng Parent Effectiveness Service (PES) Program.

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan kasunod ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na kinasasangkutan ng mga menor de edad. Sa pinakahuling ulat, umakyat na sa apat ang nasawi habang ilan pa ang nasugatan sa insidente.

Dahil dito, kinuwestiyon ng Senate President kung paano nagkaroon ng access sa mga baril ang mga sangkot na menor de edad at kung paano sila natutong gumamit ng mga ito sa murang edad.

Paano sila nakakuha ng access sa firearms, at bakit marunong na silang gumamit nito sa murang edad?” tanong ni Gatchalian.

Ayon sa senador, mahalagang palakasin ang papel ng pamilya sa paghubog ng asal at pag-uugali ng mga kabataan upang maiwasan ang paglala ng karahasan sa loob at labas ng paaralan.

Tinukoy ni Gatchalian ang Parent Effectiveness Service Program na itinatag sa ilalim ng Republic Act No. 11908 o Parent Effectiveness Service Program Act, na siya ring may-akda. Layunin ng batas na palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga magulang at parent-substitutes sa pagtupad sa kanilang mga responsibilidad, kabilang ang pangangalaga at pagtataguyod ng karapatan ng mga bata.

Sa ilalim ng batas, inaatasan ang lahat ng lungsod at munisipalidad na ipatupad ang programa, habang nakatalaga sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbuo ng mga learning module na may kinalaman sa child protection at pagtataguyod ng positibong pag-uugali ng mga kabataan.

Naniniwala si Gatchalian na hindi lamang seguridad sa paaralan ang dapat pagtuunan ng pansin kundi maging ang paggabay ng mga magulang sa loob ng tahanan.

“Kung seryoso tayong wakasan ang karahasan sa ating mga paaralan, kailangang magsimula ang solusyon sa loob ng ating mga tahanan,” ani Gatchalian.

Kasunod ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang mga pananaksak at pamamaril na kinasasangkutan ng mga estudyante, lumalakas ang panawagan para sa mas malawak na partisipasyon ng mga magulang, paaralan at lokal na pamahalaan sa pagtugon sa lumalalang problema.