-- Advertisements --

Pinuri ni Batangas Rep. Leandro “Levy” Leviste si DPWH Secretary Vince Dizon sa mabilis na pagpapaalis sa dalawang opisyal ng ahensya matapos matuklasang sila ay contractors.

Ipinakita ni Leviste ang liham ni Dizon na nagkansela sa appointment ng isang assistant secretary at isang director IV. Tinukoy din niya si Undersecretary Arrey Perez, na diumano’y nagpakilala sa dalawang opisyal sa ahensya.

Noong Oktubre, inihayag ni Leviste ang koneksyon ng ilang DPWH appointees sa contractors, at kinumpirma ni Dizon ang imbestigasyon. Nagbitiw si Perez kinabukasan, Oktubre 17.

Ayon kay Leviste, konektado si Perez kay CWS Party-list Rep. Edwin Gardiola, at tinatayang ang mga kaugnay na kumpanya ay nakakuha ng higit P100 bilyon sa DPWH projects. Iginiit niya na hindi na makakaapekto sa ahensya ang dalawang opisyal at si Perez.

Sinabi rin ni Leviste na maraming opisyal sa gobyerno ang nagtutulak ng pondo sa proyekto para sa kita, sa halip na sa classrooms at ospital. Mariing itinanggi naman ni Gardiola ang paratang.

Dagdag ni Leviste, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa iba pang opisyal na may kaugnayan sa DPWH projects, at ibinaba na ang Construction Material Price Data, na inaasahang makakatipid ng P60 bilyon sa gobyerno. (REPORT BY BOMBO JAI)