Nag-alok ng P500,000 pabuya si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa driver ng motorsiklong sangkot sa pagpatay sa isang retiradong pulis sa Maynila, kapalit ng kanyang pagsuko at pagtestigo laban sa kasamahan niyang gunman.
Kinilala ang biktima na si George Capistrano, isang retiradong police officer, na binaril at ninakawan pa ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo habang pauwi noong Sabado ng gabi.
Sa kanyang “Talk to the People” livestream, sinabi ni Domagoso na personal niyang kakilala ang biktima. Inalok niya ang driver ng motorsiklo ng P500,000 kung ito ay susuko at magiging saksi laban sa gunman.
Bukod sa pabuya, sinabi rin ng alkalde na tutulungan ang driver na mapasama sa Witness Protection Program upang mabigyan ng proteksiyon siya at ang kanyang pamilya kapalit ng pakikipagtulungan sa imbestigasyon.
Binigyan ng alkalde ang driver ng 48-oras upang tanggapin ang alok at sumuko sa mga awtoridad.
Ayon pa sa alkalde, pinaghihinalaang konektado ang dalawang suspek sa isang riding-in-tandem robbery group na nambibiktima sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Samantala, patuloy na nagsasagawa ng follow-up operations ang Manila Police District (MPD) upang matunton at mahuli ang dalawang suspek.
Tiniyak din ni Isko na hindi sila titigil hangga’t hindi nahahanap ang mga salarin.
















