Muling asahan sa susunod na linggo ang panibagong bugso ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, ayon sa Department of Energy (DOE) ngayong Huwebes, Marso 12.
Ito ay sa gitna ng patuloy na walang katiyakan sa pandaigdigang merkado bunsod ng pagharang ng Iran sa ilang parte ng Strait of Hormuz, na kritikal na lagusan para sa one-fifth ng suplay ng langis sa buong mundo.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, posibleng magkaroon pa rin ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil hindi pa rin kumakalma sa ngayon ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ang inaasahang oil price hike ay pangunahing bunsod pa rin ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Bagamat, tiniyak ng kalihim na mayroong sapat na suplay ang bansa ng hanggang 50 araw at ang tanging isyu lamang ay ang presyo ng petroleum products.
Aniya, inatasan na ng gobyerno ang mga kompaniya ng langis na ipagpatuloy ang pag-order ng mga produktong petrolyo sa kabila ng pagsipa ng presyo nito, at nakikipag-usap na rin aniya sila sa ibang bansa sa Asya para masiguro na hindi mauubusan ng suplay ang Pilipinas.
Tiniyak din ni Sec. Garin na maraming option o alternatibong mapagkukuhanan ng suplay ng langis ang bansa.
Kasabay nito, hinimok ng kalihim ang publiko na magtipid sa pagagamit ng kuryente para mabalanse ang demand ng mga produktong petrolyo at pinayuhan din ang publiko na huwag mag-imbak ng mga produktong petrolyo sa bahay dahil hindi ito ligtas.
Sa panig ng gobyerno, nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensiya na i-adopt ang apat na araw na pasok sa trabaho sa isang linggo para mabawasan ang pagkonsumo at gastos sa kuryente at langis.
















