-- Advertisements --
Sen. Tito Sotto
Senate President Vicente “Tito” Sotto III

CEBU CITY – Nanindigan si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na dapat lang na i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.

Ito ang pahayag ng senador kaugnay na rin sa paghain ng quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida laban sa nasabing network.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Senator Sotto, giit nitong walang kinalaman ang bagong prangkisa na nakabinbin pa sa Kongreso, sa inihaing quo warranto ni Calida.

Aniya, masyado lamang na “over-stretched” ang isyu.

Sa ngayon, sinabi nitong wala pa namang kinalaman ang Senado sa prangkisa ng network maliban na lang kung aksyunan na ito ng House of Representatives at ipasa sa kanila.

Binigyang-diin ni Sotto na inaaral ng mga senador ang lahat ng mga dokumento na ipapasa sa kanila, gusto man o hindi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang magiging desisyon.