-- Advertisements --

Kampante si dating Senate President Franklin Drilon na boboto-pabor sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Bam Aquino, at Sen. Kiko Pangilinan, para sa paggulong ng impeachment trial laban kay VP Sara Duterte.

Sa kasalukuyan ay nananatiling malaking katanungan kung magkakaroon ng trial laban sa pangalawang pangulo kasunod ng naging pahayag ni SP Chiz Escudero na maaaring pagbotohan ng Senado ang tuluyang pagdismiss sa complaint vs VP Sara.

Sa kabila nito, kampante ang dating SP na kung itutuloy man ng Senado na pagbotohan, tiyak na ipipilit ng tatlong nabanggit na senador na magkaroon ng trial laban sa pangalawang pangulo.

Pagtitiyak ng batikang senador, siguradong boboto ang mga naturang senador na dinggin ang kaso laban sa pangalawang pangulo upang maipresenta ang lahat ng ebidensiya kapwa ng prosecution at defense panel.

Samantala, nanindigan si Drilon na tungkulin ng Senado na mandatoryong magsagawa ng trial oras na natanggap na sana nito ang Articles of Impeachment.

Ang pagbasura sa kaso dahil sa isyu ng hurisdiksyon aniya, ay hindi dapat mangyari.

Gayonpaman, mainam pa rin aniyang mapakinggan ang desisyon ng Korte Suprema ukol dito, lalo na at dumulog na rin ang kampo ni VP Sara sa kataas-taasang hukuman upang kwestyunin ang nakabinbing complain.