Umapela ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipinong nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa na huwag tangkilikin ang mga social-media based job offer na walang maipakitang lisensiya mula sa pamahalaan.
Ito ay kasabay ng lalo pang pagdami ng kaso ng human trafficking kung saan maraming mga Pinoy ang nabibiktima matapos maniwala sa mga job offer sa social media.
Ipinunto ni Bureau of Immigration (BI) Deputy Spokesperson Melvin Mabulak na bagaman maraming mga social media page na ang pinatanggal, marami pa rin ang tuluyang bumabalik, gamit ang iba pang site at profile.
Ang mga naturang site ang labis na nambibiktima aniya sa mga Pinoy na naghahangad magkaroon ng magandang trabaho at mataas na sahod.
Aniya, malaking porsyento ng mga Pilipinong natulungan ng pamahalaan na maibalik sa Pilipinas ay dahil sa napaniwala sila sa mga ini-aalok na trabaho
Bagaman mayroon aniyang mga legitimate recruitment agency na nag-rerecruit sa pamamagitan ng social media, marami ring human trafficking gruops ang pumapasok sa social media upang makapag-recruit ng mga mabibiktima.
Apela ng opisyal sa mga Pinoy, dapat munang magsadya muna sa mga opisina ng pamahalaan na silang nakaka-alam mga legitimate recruitment agency upang hindi mabiktima ng mga pekeng recruiter.
Batay sa Immigration records, marami sa mga Pinoy na nabibiktima ng human trafficking at tuluyang nadadala sa ibang bansa, ay pinag-tatrabaho sa mga scam farm, love scam, atbpa.