-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na kasalukuyang iniimbestigahan na ng Korte Suprema ang isang judge na sangkot at taga-ayos umano ng mga kaso ng negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang.

Ito mismo ang kumpirmasyong inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kasunod ng ibunyag ng testigong si alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan hinggil sa isang dating hukom na ngayo’y opisyal na ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.

Ayon pa kay Secretary Remulla, ang mismong Korte Suprema na ang nag-iimbestiga hinggil sa naturang isyu matapos nang kanyang kausapin ang parte ng hudikatura.

“I was told about it… Ahhh actually iniimbestigahan na siya ng Supreme Court,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.

Maalala kasi na nitong nakaraan lamang ay ibinunyag ni alyas ‘Totoy’ na kaya raw panghimasukan ng mastermind sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero maging ang Korte Suprema.

Kaya’t inihayag at kinumpirma na ni Justice Secretary Remulla na kanyang nakausap na si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo hinggil rito.

Bunsod nito’y inihayag din ni Justice Secretary Remulla ang kanyang pagkilala sa hakbang na ginawa ng Korte Suprema upang matukoy ang katotohanan sa likod ng mga alegasyong binunyag ni alyas ‘Totoy’.

Kaugnay pa rito, binigyang linaw naman ng lumantad na testigong si alyas ‘Totoy’ na wala umanong sangkot na tauhan ng National Bureau of Investigation hinggil sa pagkawala ng mga biktimang sabungero.

Paglilinaw niya na walang katotohanan na may sinabi siyang dawit ang ilang personalidad ng naturang kawanihan, kasabay ng paggiit na pakana lamang raw ito ng kabilang kampo.

Kaya naman dahil rito ay inihayag ni NBI Director Ret. Judge Jaime B. Santiago ang kanyang pasasalamat kay alyas ‘Totoy’ sa ginawang paglilinaw nang sa gayon ay mananatili pa rin ang tiwala ng publiko sa kawanihan.

Sa kampo ng negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang, naniniwala at iginigiit nila na walang kinalaman ito sa kaso ng mga nawawalang sabungero.