Handa ang House of Representatives na suportahan ang supplemental budget kung kakailanganin ng pamahalaan ng dagdag pondo para sa pagpapauwi ng mga Pilipinong apektado ng labanan sa Middle East.
Ayon kay Pangasinan Rep. Rachael Arenas, chair ng House Committee on Foreign Affairs, tinalakay na ng mga mambabatas ang posibilidad ng dagdag na pondo at handa ang Kamara na tumulong hindi lamang sa polisiya kundi pati sa pondo para masiguro ang kaligtasan ng mga OFW.
Sinabi ni Arenas sinusunod ng pamahalaan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa ibang bansa habang patuloy na minomonitor ng Kongreso ang sitwasyon.
Nagbigay din ng babala si Arenas laban sa kumakalat na mga AI-generated videos sa social media na nagdudulot ng takot at panic sa mga OFW at kanilang pamilya. Upang labanan ang maling impormasyon, nagbukas ang pamahalaan ng libreng tawag at komunikasyon upang direktang makausap ng mga pamilya sa Pilipinas ang kanilang mga kamag-anak sa mga apektadong lugar.
Tiniyak din ng pamahalaan na handa itong tumulong sa repatriation at reintegration ng mga OFW kung lalala pa ang krisis.
















