Nanindigan si retired judge at Phippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairperson Felix Reyes walang kinalaman ang lahat ng isyung ibinabato sa kaniya ng missing-sabungero whistleblower na si Alyas Totoy o Julie “Dondon” Patidongan.
Sa inilabas na statement ng naturang opisyal ngayong araw (July 9), pinasinungalingan niya ang lahat ng mga ibinibintang ni Alyas Totoy, kasabay ng pagpapahayag ng kahandaang makipag-cooperate sa anumang imbestigasyon para sa naturang isyu.
Unang tinukoy ni Patidongan ang retiradong judge na umano’y sangkot sa case-fixing para sa business tycoon na si Atong Ang. Maka-ilang beses din umano siyang bumiyahe abroad kasama ang ilang mga prosecutor at kapwa judge upang isagawa ang case-fixing.
Gayonpaman, nanindigan si Reyes na ang mga ito ay pawang kasinungalingan.
Giit ni Reyes, kung hindi kaya ni Patidongan na pangatawan at patunayan ang kaniyang mga akusasyon ay mas nakabubuti na lamang na tumahimik ito.
Kasabay nito ay binigyang-otorisasyon na rin ng retiradong judge ang Bureau of Immigration na buksan ang mga record ng bawat international travel na kaniyang ginawa mula noong nagretiro siya sa judiciary noong 2021.
Ang mga naturang record aniya ay tiyak na magpapatunay na lahat ng claim ni Alyas Totoy ay walang katotohanan.
Kinuwestyon din ng opisyal ang timing ng paglabas sa mga naturang akusasyon na aniya’y pumutok, isang araw matapos siyang maghain ng applikasyon para sa pagka-Ombudsman.
Giit ni Reyes, nakahanda siya sa mga pagsisiyasat na gagawin ng anumang government agency na maaaring makapagbibigay-linaw sa lahat ng mga alegasyon at upang malinis ang pangalan ng judiciary at prosecution service mula sa mga naturang akusasyon.