Mayroon na umanong premilinary assessment ang Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) kung mananatili pa sa modified enhanced community quarantine (MECQ) o ilalagay na sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at karatig na lalawigan.
Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles, confidential na itong naabiso sa mga mayors ng Metro Manila at governors ng Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal para iapela sa IATF.
Ayon kay Sec. Nograles, ang nasabing apela ng mga local government units (LGUs) ay siyang tatalakayin nila sa IATF meeting mamayang hapon.
Maliban sa mga apela, kasama rin sa kanilang ikokonsidera ang numero ng COVID-cases, gayundin ang critical care capacity ng mga kinauukulang LGUs.
Matapos nito, isusumite nila ang kanilang final recommendation kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang magbibigay ng pinal na desisyon at mag-aanunsyo nito sa Agosto 17, araw ng Lunes.