-- Advertisements --

Dapat bawiin at hindi lamang isuspinde ang lisensya ng mga iresponsableng motorista na nasasangkot sa road rage at iba pang aksidente sa kalsada upang maitaguyod ang disiplina sa lansangan.

Ito ang iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa gitna ng sunud-sunud na aksidente sa kalsada na uuwi pa sa pagkasawi ng biktima. 

Ayon pa sa senador, naging uso na content sa social media ang video ng mga kamote drivers ngunit ang mga ito aniya ay hindi nakaaaliw kundi nakapeperwisyo sa kalsada. 

Bilang isang motorista, iginiit ng pangulo ng Senado na ang kawalan ng disiplina sa lansangan ang pangunahing sanhi ng problema sa trapiko at aksidente sa bansa.

Dahil dito, isang magandang unang hakbang ang pagbawi ng lisensya ng mga abusadong motorista upang magkaroon ng kaayusan sa lansangan. 

Hindi rin aniya sapat na panakot ang 90 araw na suspensyon na ipinapataw ng Land Transportation Office (LTO) laban sa mga pasaway na motorista.

Sa huli, sinabi ng senador na ang pagkakaroon ng lisensya  ay isang pribilehiyo at hindi karapatan kaya naman kaakibat nito aniya ang responsibilidad habang nagmamaneho.