Hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga bibiyahe na manatiling kalmado para maiwasan ang mga insidente ng road rage o away sa kalsada para sa long weekend ngayong Undas.
Ginawa ni Health Secretary Ted Herbosa ang naturang paalala kasabay ng isinagawang inspeksiyon sa emergency tents sa may South Luzon Expressway (SLEX) bilang bahagi ng paghahanda ng ahensiya para sa pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas.
Nagpaalala ang kalihim na kapag nagmamaneho, inaasahan ang trapiko dahil sa pagdagsa ng mga magsisiuwian, kayat dapat aniyang huwag magmadali, matutong magbigay sa daan at pairalin ang road courtesy.
Nag-abiso rin ang kalihim sa mga pasaway sa kalsada na sundin ang mga panuntunan sa kalsada para maiwasang mauwi sa road rage.
Samantala, ayon kay Sec. Herbosa, maaaring ma-avail ng mga posibleng magtamo ng traffic injuries ang zero-balance billing ng pamahalaan.
 
		 
			 
        















