Maaaring hulihin at kasuhan ng inciting to sedition ang sinumang raliyista na mananawagan ng government reset o pag-withdraw ng suporta sa gobyerno sa ikakasang anti-corruption rally sa Nobyembre 30.
Ito ang iginiit ni Defense Secretary Gibo Teodoro, kung saan, aniya, iligal ang anumang pahayag na humihikayat sa pag-aatras ng suporta sa pamahalaan.
Sa kasagsagan ng isyu tungkol sa katiwalian sa mga flood control projects, may ulat na may nag-uudyok sa militar upang bawian ang suporta sa Pangulo at pamunuan ang reset o pagpapalit ng liderato sa bansa.
Sa tanong kung bakit muling lumulutang ang panawagang “reset,” sinabi ng kalihim na malinaw na may politikal na hangarin ang mga nagtutulak nito.
Naniniwala din ang kalihim na palaging may umiiral na mga banta, ngunit umaasa siyang magiging mapayapa ang kilos-protesta.
Samantala, tiniyak ni Teodoro na nakahanda ang Office of Civil Defense (OCD) at mga emergency units para sa anumang contingency—hindi lamang para sa posibleng kaguluhan kundi pati sa mga usaping pangkalusugan na maaaring lumitaw sa malaking pagtitipon.
Nakahanda rin, aniya, ang mga kapulisan para sa worst-case scenario sa peace and order.
Nakababahala, aniya, kung maulit ang nangyari noong September 21 Anti-Corruption Rally, dahil may mga nanggulong gangs at criminal elements, ngunit tiniyak niyang handa ang pulisya rito.
















