Nangako si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na papanagutin at mabubulok sa kulungan ang mga korap na opisyal at kanilang kasabwat sa maanomaliyang flood control projects.
Sa kaniyang mensahe sa National Convention ng Vice Mayors’ League of the Philippines (VMLP), iginiit ng kalihim na hindi magaatubili ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patawan ng parusa at ikulong ang mga public official na mapapatunayang guilty sa korapsiyon.
Punto ng kalihim, hindi natitinag ang Pangulo sa pagsawata sa mga personalidad na sangkot sa anomaliya sa flood control project. Aniya, karapatan ng taumbayan na magkaroon ng isang tapat na serbisyo at isang gobyerno na poprotekta sa kanilang pinaghirapang pera.
Kaugnay nito, binigyang diin ng DILG chief ang kritikal na papel ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko.
Nanawagan din siya sa mga Bise Alkalde sa buong bansa na mamuno nang may integridad, dahil ang may pananagutang lokal na opisyal ay makakatulong upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno.















