-- Advertisements --

Hindi umano titigil sa paghahanap ng katotohanan ang mga kaanak ng 45 kataong nasawi sa train crash ng dalawang high-speed train sa Spain noong Enero 18, ayon sa isang emosyonal na statement sa isang funeral service noong Enero 29.

Patuloy pa rin kasing sinusubukang tanggapin ng Spain ang trahedya na nangyari malapit sa Adamuz na inilarawan ng pamahalaan bilang isang may pinakamataas na bilang ng mga nasawi sa kasaysayan ng mga aksidente ng tren sa Europa.

Diskumpiyado naman ang Spain kung sapat ba ang naging pamumuhunan nito sa maintenance ng kilalang railway system ng Spain, lalo na matapos ang iba pang insidente noong nakaraang linggo, kabilang ang pagkamatay ng isang train driver sa Catalonia.

Present naman si King Felipe VI at Queen Leticia sa seremonya habang hindi naman present sina Prime Minister Pedro Sanchez at Transport Minister Oscar Puente.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, isang bitak sa riles ang pinaniniwalaang naganap bago madiskaril ang tren na patungong Madrid mula Malaga.

Makalipas ang humigit-kumulang 20 segundo, bumangga umano ito sa isa pang tren na patungong Huelva mula sa kasalungat na direksyon. Sinabi rin ng mga ito na maaaring umabot lamang sa siyam na segundo ang pagitan ng dalawang tren.

”We are the 45 families who would trade all the gold in this world, which is now worthless, for the chance to move the hands of the clock forward just 20 seconds,” ayon sa isang pahayag ng mga pamilyang naulila.