-- Advertisements --

Posibleng mahaharap sa kasong sedisyon ang mga indibidwal na sangkot sa marahas na kilos protesta kahapon sa lunsod ng Maynila.

Ito ang sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla kaugnay ng mga naarestong mga indibidwal  at hawak ngayon ng Manila Police District (MPD) at isinasa ilalim sa interogasyon.

Umapela naman si Palace Press Officer USec. Claire Castro kay Sec. Remulla at Acting PNP Chief PLt.Gen. Jose Melencio Nartates na pag aralan kung maaaring kasuhan ng inciting to sedition si dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na nanghikayat aniya ng mga kabataan para sumali sa protesta. 

Ayon kay Castro, mistulang inakit ni Singson ang mga kabataan na wag nang pumasok sa paaralan kundi sumama sa mga kilos protesta at hinikayat din aniya nito ang mga magulang na hayaan ang kanilang mga anak  na tumayo para sa isang rebolusyon  laban sa korapsyon. 

Sinabi ni Castro na gusto ng pangulo na mapanagot ang lahat ng sangkot sa marahas at  magulong kilos protesta  sa ilang parte ng metro manila na nauwi pa sa sakitan laban sa mga pulis at sibilyan. 

Ayon naman kay Acting PNP Chief Nartatez posible ring humantong sa pagsasampa ng kasong terorismo o paglabag sa anti terrorism act ang mga nasa likod ng marahas na panggugulo.